Nasaktan, nagmahal, nagsisi
Ilang taon na rin ang lumipas,
alaala mo’y di pa rin kumukupas.
ang mga masasaya nating sandali,
na di kayang tumabasan ng kahit salapi.
ang ating pag-ibig, wari mo’y isang kastilyo,
di kayang tibagin kahit na malakas na bagyo.
ang ating pag-ibig, parang matalik na magkaibigan,
walang sikreto at wari mo’y walang hangganan.
Ngunit bakit ganito ang kinalabasan,
pangarap mo para sa ‘tin, kinailangan mong lumisan.
ako’y lubos na nasaktan at nangulila,
kaya sa pag-ibig nawalan ng tiwala.
sa iba’y nakatagpo ng masasandalan,
sa panahon at oras ng sakit at kalungkutan.
at di ko lubos maisip at di inaasahan,
ang puso ko’y nahulog sa kanya ng tuluyan.
Nagsama kami at bumuo ng pamilya,
nagkaroon ng anak at lubos na naging maligaya.
ngunit sa kabila ng kaligayahang nakamtan,
alam kong may pusong lubos na nasaktan.
Nais ko sanang sa ‘yo’y ipaabot,
ang paghingi ng tawad ng pusong malungkot.
Mali na umasang muling magkakasama,
sapagkat may responsibilidad na sa binuong pamilya.
Ngunit kung bibiyayaan ng isang pagkakataon,
ika’y yayakapin at sa ‘yo’y ibubulong,
patawad mahal ko, ika’y lubos kong nasaktan,
hangad ko para sa ‘yo ang lubos na kaligayahan.
Hanggang sa muli aking kaibigan at aking sinta,
hindi ka mawawaglit sa aking gunita.
Kung sa kabilang mundo, tayo’y magtatagpo,
patuloy akong magsusumamo sa nasaktan mong puso.